Photo Courtesy | PIO-PALAWAN

PUERTO PRINCESA CITY — Nagkaloob ang SPS Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ng iba’t ibang serbisyo para sa mga residente ng West Coast barangays ng bayan ng Aborlan nitong Marso 1, 2024.

Ito ay pinangunahan ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates na dinagsa ng mga mamamayan sa lugar kung saan libreng na-access ang mga serbisyong pangkalusugan gaya ng medical consultation, libreng tuli, vitamins at gamot sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO).

Namahagi rin ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng social pension para sa mga nakatatanda sa naturang mga barangay.

Nagsagawa naman ng boat registration, at namahagi ng seedlings at vegatables seeds ang Provincial Agriculture Office (PAGO) habang nagkaloob ng multivatamins para sa mga alagang aso at pusa at iba pang mga alagang hayop at anti-rabbies vaccination ang Provincial Veterinary Office (PROVET).

Pinagkalooban din ng Pamahalaang Panlalawigan ng bigas ang mga residente bilang alalay ngayong El Niño Phenomenon.

Nagsagawa naman ng oryentasyon ang SPS Alay sa Kabataan Program para sa mga Kabataang nais maging iskolar ng PGP.

Nagsagawa rin ng job fair para sa mga
naghahanap ng trabaho ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) katuwang ang Foundever na isang BPO company sa lalawigan.

Maliban dito, nagbigay rin ng iba’t ibang serbisyo ang Philippine Statistics Authority (PSA), Philhealth, MBLT 7, at iba pang katuwang na mga ahensiya.

Pinasalamatan naman ng gobernador ang lahat ng mga kawani ng kapitolyo gayundin ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan na nagtulong-tulong upang maipaabot ang mga nabanggit na serbisyo na kapaki-pakinabang sa mga mamamayan.

“Masaya ako na kasama kayo sapagkat kahit papaano ay bahagi tayo ng serbisyo na ibinibigay sa inyo ng ating mga kasamahang mga doktor at mga technicians.

So, nagpapasalamat ako sa lahat ng mga volunteers natin at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na nandito ngayon upang ilapit ang kanilang mga serbisyo sa ating mga kababayan dito sa Aporawan at Culandanum,” ani Gob. Socrates.

Samantala, naging emosyonal naman ang mensahe ni Punong Barangay Danilo B. Cortez na siya ring Pangulo ng LIGA ng mga Barangay ng Aborlan, ayon sa kanya ay malaking prebilihiyo umano para sa dalawang barangay na mabigyan ng mga nabanggit na serbisyo sa pamamagitan ng kauna-unahang SPS Caravan.

“Isang malaking prebilihiyo po sa mga taga barangay Aporawan ang SPS Caravan na ginawa sa araw na ‘to. Sa ating mahal na gobernador na nagdala ng programa, ako po ay nagpapasalamat sapagkat ito ay isang malaking bagay, ‘yong mga gamot na dinala niyo…ang mga tao po dito ay marami ang maysakit at karamihan ay mahihirap.

Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng luha ko sapagkat sa dami ng talagang naghihirap ngayon ay inuna ng ating mahal na gobernador ang barangay Aporawan ng suporta lalo’t higit ng mga gamot,” ani PB Cortez.

Nakiisa rin sa aktibidad sina Board Member Rafael V. Ortega, Jr. ng 3rd District, SPS Caravan Coordinator at Exec. Assistant III Christian Albert S. Miguel, mga department heads ng kapitolyo, mga kinatawan ng LGU Aborlan at pamunuan ng mga nabanggit na barangay.

Inaasahan din na maaabot ng nasabing Caravan ang iba’t ibang munisipyo ng lalawigan lalo na ang nasa malalayong komunidad.