SINAMPAHAN na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang 34-anyos na babae na tulak umano ng iligal na droga.
Nabulaga sa pamamagitan ng ikinasang drug buy-bust operation ang suspek na kinilala sa alyas na “Van” na residente ng Brgy. Caminawit, San Jose, Occidental Mindoro, ayon sa pulisya.
Nagpanggap na ‘poseur buyer’ ang mga awtoridad gamit ang marked money na isang P1,000.00 na kung saan nakabili ang mga ito sa suspek ng isang paketeng hinihinalang shabu.
Nakumpiska ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga mula sa suspek at ang pera na ginamit bilang buy-bust money.
Nadakip ang suspek sa pamamagitan ng ikinasang operasyon ng Municipal Drug Enforcement Unit ng San Jose MPS at Occidental Mindoro Provincial Drug Enforcement Unit.
Natimbog ng pulisya ang tulak umano ng iligal na droga dakong 10:25 ng umaga ng ika-18 ng Oktubre, taong kasalukuyan sa Purok 4, Airport Road, Brgy. San Roque, San Jose ng probinsya ng Occidental Mindoro.