PUERTO PRINCESA CITY — Nagbabala ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o Philmech o Philmech sa mga Farmers Cooperative and Association (FCAs) at Local Government Units (LGUs) sa Palawan na babawiin nila ang mga pang-agrikulturang makinarya kapag napatunayan na ang mga ito ay ginagamit sa pansariling interes.
Ito ang paalala ni PhilMech Director lll Joel Dator sa mga benepisyaryo ng Rice and Machinery Equipment sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.
“Yung mga ibinibigay po nating mga ayuda, kayo po ay kwalipikado sa mga programa. Kayo po ay piling-pili kaya ang pangarap po namin dito ito po sana ay magamit niyo at maging kapakipakinabang po sa inyo.
[Mayroon] po tayong Memorandum of Agreement (MOA) na kung mapapatunayan namin na ito po ay hindi ginagamit o hindi po napapakinabangan ng inyong mga miyembro at si Chairman lang ang nakikinabang — babawiin po namin ‘yan. Huwag po sana tayong umabot sa ganu’ng pagkakataon,” ang binigyang diin ng Direktor sa isinagawang provincial turnover ng mga farm equipment kamakailan sa bayan ng Narra, Palawan.
Paglilinaw ni Dator, ang kanilang pamamahagi ay grupo-grupo upang ang lahat ng miyembro ng asosasyon o kooperatiba ay maserbisyuhan.
Susog ni Narra Mayor Gerandy Danao, mayroon umanong mga kooperatiba na ginagamit sa pansariling interes ang mga equipment na ipinagkakaloob ng pamahalaan.
“Ako ay nagpapasalamat dahil tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon na umangat ang ating pamumuhay yan po ang programa ng Philmech pero [mayroon] pong mga kooperatiba dito na yung mga equipment ginagamit sa personal. Totoo po? Hindi? Ang nangyayari po kasi marami akong na-encounter na ang equipment ginagamit lang ng mga Presidente ng asosasyon —siya ang kumikita hindi napupunta sa farm. Mali, [ito ay] mahigpit na ipinagbabawal na yung unit ay gamitin mo sa pansarili at hindi rin po siya pwedeng gamitin sa ibang lugar kung dito po siya laan dito lang po siya pwedeng gamitin,” ayon pa kay Mayor Danao.
Dagdag naman ni Engr. Nino Bengusta , Cluster Head ng Philmech Luzon Cluster, sila ay nagsagagawa ng Monitoring and Feedback Mechanism para matiyak ang totoong estado ng bawat makinarya na ipinagkaloob sa bawat kooperatiba.
Aniya pa, tinitignan din nila ang service area ng isang lugar kung saan nila binabase ang uri ng makinarya na ipagkakaloob sa isang kooperatiba, ibigsabihin kung ang isang bayan ay nakitaan ng ganung aspeto ito ay dapat magserbisyo lamang sa lugar kung saan ito inilagay.