LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Sa pinal na ulat ng City Information Office, sinimulan nitong Pebrero 14 ang groundbreaking ng konstruksiyon ng Bagong Bayan Wharf Extension na inaasahang mapapalakas ang ‘fishing industry’ at kalakalan.
Ang proyekto ay may habang 88.96 linear meters, kapal na reinforced cement na 0.15 meter, at lapad na 6.00 meters na makukumpleto sa loob ng 150 calendar days. May kabuuang pondo ito ng mahigit 9.7 milyong piso.
Ayon kay City Development and Planning Coordinator Engineer Jovenee Sagun, ang pantalan ay magsisilbing pangunahing daungan ng mahigit isandaang motorized banca, mahigit 50 non-motorized banca, at 711 mga mangingisda mula sa mga Barangay ng Bagong Bayan, Napsan, Simpocan, at mga karatig-barangay.
Batay naman kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, mapapalakas ang ekonomiya sa lugar sa pamamagitan ng pagsasaayos ng Bagong Bayan Wharf.
Ani Bayron, magiging ‘accessible’ ang bagong pantalan sa mga mangingisdang nangangailangan ng gasolina, tubig, at yelo. Lalagyan din umano ng ice plant na malapit sa daungan.
Binigyang-diin ng alkalde na malaki ang maiaambag nito sa pag-angat ng ekonomiya ng barangay at buong lungsod ng Puerto Princesa.