(Kuhang larawan/ Brooke’s Point Municipal Information Office)

PUERTO PRINCESA CITY — Sa pangunguna ni Municipal Mayor Cesareo R. Benedito Jr., pinagkalooban ng bagong Mechanical Rice Reaper ang mga farmer associations sa nasabing bayan nitong ika-24 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Sa seremonyas, tinuruan ang mga benepisyaryo kung paano gagamitin ang mga nasabing farm equipment na magagamit nila sa kanilang pagsasaka. Layunin din ng proyekto na magkaroon ng access ang mga magsasaka pati na rin ang mga kababaihan sa makabagong teknolohiya upang maging mas produktibo at mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bayan ng Brooke’s Point.

Ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga farmers association ng Barangay Tub-tub, Sitio Mangcayap, Sitio Pitik-Pitik, at Sitio Magugurangarang. Naroon sa kaganapan sina Municipal Agriculturist Officer Renato Bacosa, Agriculturist Krist Joseph Cadlaon, at iba pang mga kawani ng Office of the Municipal Agriculturist, at Gender and Development Focal Person Sylvia Rivera.

Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Brooke’s Point, ang pondong inilaan para sa nasabing proyekto ay nagmula umano sa Gender and Development o GAD ng pamahalaang lokal ng kanilang bayan. Laking pasasalamat naman ng mga nakatanggap ng mga farm equipment dahil malaki umano ang maitutulong nito sa bawat asosasyon na kung saan marami ang p’wedeng mag-operate at matuto pa para sa mas mabilis na pag-ani ng palay at hindi na mahihirapan pa pagdating sa paggamit ng makabagong kagamitan.

Ayon pa kay Mayor Benedito, marami na umanong kayang gawin ang mga kababaihan na dating ginagawa lamang ng mga kalalakihan gaya ng paggamit ng mechanical rice reaper na malaking tulong sa mga magsasaka lalo na ang pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan sa kanilang bayan.

Samantala, hinihimok naman ni Mayor Benedito ang mga benepisyaryo na ingatan ang gamit na ipinagkaloob ng pamahalaang lokal bilang suporta sa mga magsasaka para mas mapabilis ang pag-unlad ng aspetong pang-agrikultura.

Author