IPATATAWAG sa susunod na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang Western Command, Philippine Coast Guard at Department of Foreign Affairs may kinalaman sa bagong regulasyon ng bansang Tsina sa mga “trespassers” na papasok sa kanilang inaangking teritoryo.
Sa privileged speech ni City Councilor Elgin Robert Damasco nais aniyang maliwanagan sa bagong regulasyon ng Tsina dahil ito ay nagdulot ng pangamba sa mga mangingisdang Pilipino.
“Ito ay may kinalaman sa bagong regulasyon ng bansang Tsina “Authorizing their Chinese Coast Guard to detain for up to 60 days without trial foreign trespassers to cross what they claim as part of their territory”.
Nagdulot po ito ng pangamba sa karamihan sa ating mga mangingisda lalo na yung mga taga west coast na nangingisda doon sa Exclusive Economic Zone ng ating bansa,” ang bahagi ng privileged speech ni Kgd. Damasco.
Aniya, ang bagong regulasyon ng Tsina ay lumabas matapos ang matagumpay na civilian supply mission
na inorganisa ng Atin Ito! coalition kamakailan.
Ang nabanggit na regulasyon ay ipatutupad na ng Tsina sa darating na ika-15 ng Hunyo.
Ayon pa kay Damasco, nais rin niya na magpasa ng resolusyon para kondenahin ang nababanggit na bagong polisiya ngunit nais aniyang munang maliwanagan tungkol dito.
“Ano ang pagkakaintindi ng mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas sa bagong regulasyon ng China [dahil] apektado po talaga ang ating mga mangingisda. Nais nating marinig ang kanilang opinyon at reaksyon patungkol sa regulasyon na ito ng bansang Tsina kaya po kung maaari ay ipatawg natin sila nang sa ganun ay maklaro ito pong usapin na ito.
Naniniwala ang representasyon na ito, na itong regulasyon na ito ay another form of intimidation para madiscourage ang mga Pilipino na maglayag sa West Philppine Sea pero patuloy nating isisigaw—West Philippine Sea Atin Ito!”