REPETEK NEWS TEAM

Ni Ven Marck Botin

OPISYAL nang pinasinayaan ang bagong silid-aralan sa Bgy. Local, Linapacan, Palawan, ayon kay Mayor Emil Neri.

Sa Facebook post, kinumpirma ng alkalde na pormal nang binuksan ang bagong gusali kung saan ay malaki ang maitutulong sa mga estudyante sa nabanggit na lugar.

“Magagamit na ng unang batch ng Senior High School students ng Bgy. Local, Linapacan ang bagong building na na-outsource ng LGU Linapacan kay Congressman Egay Salvame,” pahayag ng alkalde.

“Puno ng excitement ang mga residente dahil sa napakagandang balitang ito. Ilang magulang ang nagpa-transfer agad ng mga anak mula sa Coron, El Nido o San Miguel upang dito na mag-Grade 11 at 12.”

Samantala, pinasalamatan naman ng alkalde ang suporta ng mga mamamayan at sa tanggapan ni Palawan First District Congressman Edgardo Salvame.

Inihayag din ni Bise Alkalde Ricky Rodriguez na “may mga magulang na napaiyak sa tuwa dahil hindi na sila magagastusan nang malaki sa pagpapaaral” sa kanilang mga anak sa malayo.

Hiling din ng mga guro sa tanggapan ng Unang Distrito ng Palawan na pagkalooban ang nabanggit na eskwelahan ng “solar power panel para [mapailawan] ang mga classroom at makapaandar ng printer”.

Dagdag ng alkalde, ang sweldo ng mga bagong guro ay inaaprubahan Sangguniang Bayan Members ng bayan ng Linapacan.