Photo courtesy | JBC
PUERTO PRINCESA CITY – Pinasinayaan nitong ika-23 ng Enero ang bagong tayong Palawan Rescue Building at Operation Center ng Palawan Rescue ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa bayan ng Narra, Palawan.
Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni Governor Victorino Dennis Socrates.
Sa Facebook post ng gobernador, itinayo umano ang nasabing gusali upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente sa oras ng emerhensiya sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon ng Palawan Rescue at mapagkakalooban ng maayos na serbisyo ang mga mamamayan sa naturang bayan katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Narra.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng aktibidad na “Dugo Mo, Buhay Ko” Mass Blood Donation katuwang ang Philippine Red Cross- Palawan Chapter kung saan ay mabebenipisyuhan ang mga pasyenteng nangangailangan sa bahaging sur ng Palawan dahil mapupunta sa kanila ang mga malilikom na dugo mula rito.
Samantala, naroon naman sa kaganapan sina PDRRM Officer Jerry Alili, Palawan Rescue Program Manager Rowel Magarce, 2nd District Board Member Marivic Roxas at kinatawan ni Narra Municipal Mayor Gerandy Danao sa pamamagitan ni Vice Mayor Jun Calso, kasama si Acting Municipal Administrator Jojo Gastanes.