PALAWAN, Philippines — Pinasinayaan na nitong araw ng Lunes ika-1 ng Hulyo 2024 ang bagong tayong Municipal Hall ng bayan ng Bataraza.
Ayon sa Municipal Public Information Office, ang nasabing proyekto ay pinondohan ng 130 milyong piso. Ito ay mayroong tatlong palapag na gusali at mayroon itong escalator, elevator, at automatic door, solar power, at generator set para sa ekonomikal na paggamit ng elektrisidad.
Pinangunahan ni Bataraza Mayor Hji. Abraham M. Ibba ang pagpapasinaya kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Department Heads, mga Kapitan ng mga barangay, National Government Agencies.
Ang nasabing gusali ay itinayo para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan ng naturang bayan upang mas mapalawig pa ang serbisyong publiko at mga pangunahing programa na nakasentro sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang komunidad.
Pinagkalooban ng sertipiko na naglalaman ng Resolution no. 46 Congratulating and Commending Ms. Gloria Mae Salie para sa kaniyang pagkapanalo bilang Mutya ng Palawan North 2024.
Kasama rin sa pinagkalooban ng sertipiko ng Pagpapahalaga ang Land Bank of the Philippines, Municipal Engineering Office at Cebu 7H Petrochyem Industries Inc., para sa matagumpay na natapos na municipal building.
Samantala, sa huling bahagi ng programa, isinagawa ang office tour sa loob ng gusaling pamahalaan at pagturn-over ng mga susi ng bawat opisina sa pangunguna nina Mayor Ibba at Vice Mayor Jaafar.