PUERTO PRINCESA CITY — Simula Setyembre 28, ngayon taon ay maaari nang ma-access ng mga mamamayan ang bagong Visa Application Center o VAC na inilunsad ng United States Embassy na matatagpuan sa Parqal Building 8, Level 3, Diosdado Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Lungsod ng Parañaque.
Ayon sa embahada, maliban sa VAC ay maglulunsad din sila ng updated na visa appointment system at pagpapalawak ng mga serbisyong call center sa mga mamamayan ng Estados Unidos sa bansa.
Simula sa ika-28 ng buwan, ang mga aplikanteng naghahanap ng appointment para sa pag-apply ng visa imigrant o hindi, ay kinakailangang magpaiskedyul ng hiwalay na appointment sa visa application center para sa pagkuha ng larawan at pag-scan ng fingerprint bago ang kanilang panayam sa U.S. Embassy sa Roxas Boulevard.
Ang pag-iskedyul ay gagawin sa pamamagitan ng bagong disenyong online system appointment. Para naman sa mga aplikanteng nakapagpa-iskedyul na ng interview bago ang September 28 ay hindi sila maaapektuhan ng pagbabagong nabanggit.
Dagdag dito, maaari rin silang direktang tumungo sa kanilang appointment sa Embahada. Para naman sa mga aplikanteng may mga kasalukuyang account sa kasalukuyang sistema ng appointment sa visa ay kakailanganing mag-sign in sa bagong system gamit ang kanilang nakarehistrong email addresses upang makuha ang kanilang user profile, kopya ng mga resibo ng pagbabayad, at impormasyon ng appointment.
Ang VAC ay mag-aalok ng mga appointment slot mula 7:00 a.m. hanggang 4:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes, at mula 7:00 a.m. hanggang 11:00 a.m. tuwing Sabado.
Walang appointment na kailangan para sa mga aplikante na gustong kunin ang kanilang mga pasaporte o mag-drop off ng mga aplikasyon para sa waiver visa interview at iba pang mga kinakailangang dokumento mula 7:00 a.m. hanggang 4:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes.
Ang bagong online appointment system ay magtatampok ng secure at user-friendly interface para sa mga aplikante ng visa at magiging available sa Setyembre 28 sa ustraveldocs.com/ph.
Samantala, bukod pa rito, maglulunsad din ang U.S. Embassy ng call center para sa mga customer na may pangkalahatang non-emergency na mga katanungan sa American Citizen Services (ACS).
Ang mga mamamayan ng U.S. ay maaaring tumawag sa mga consular hotline sa (+632) 7792-8988 o (+632) 8548-8223, o (703) 520-2235 para sa mga tumatawag sa United States, na may mga tanong ukol sa pasaporte, pagkamamamayan, at notaryo sa serbisyo.
Ang mga update tungkol sa mga pagbabagong ito ay ipo-post sa website ng U.S. Embassy (ph.usembassy.gov) at sa Facebook page ng Embassy (facebook.com/USEmbassyPH/) at X account (@USEmbassyPH).
Maglulunsad din ang embahada ng bago at maayos website at electronic mail na ustraveldocs.com/ph/en/american-citizens-services at [email protected]) para sa mga serbisyong nakapaloob sa ACS sa darating na Setyembre 28.