Ni Vivian R. Bautista
DAHIL sa kawalan ng implementasyon o enforcement, marami ng mga bakawan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Palawan ang patuloy na sinisira ng ilang mga grupo o indibidwal para sa kanilang pansariling interes.
Isa ang bayan ng Rizal sa may malagong mangrove areas o bakawan sa lalawigan ngunit patuloy itong nasasalaula ng ilang indibidwal na hindi alintana ang layunin ng pagkakaroon ng mga bakawan.
Sa ulat ng Palawan NGO Network, may ilang mga katutubong nagrereklamo dahil sa wala pang aksyon na ibinibigay sa kanila ang mga tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kaugnay sa nasasakupan nilang mangrove area na matatagpuan sa sitio Lalanguyan, Bgy. Ransang, na ngayon ay isa nang dine-develop na fishpond.
Ayon sa mga katutubo, isang (1) taon na umano nilang inirereklamo ang nasabing proyekto ngunit magpahanggang ngayon ay wala pang aksyon ang mga kaukulang ahensya upang mapahinto at mabigyan man lang ng notice of violation ang tila malalaking tao na nasa likod nito.
Patuloy rin ang ginagawang distruksyon dahil sa minsan lang ito pasyalan ng mga awtoridad ngunit hindi na binalikan ang nasabing lugar; at wala na rin silang narinig na balita ukol dito mula sa mga ahensyang nagsagawa ng imbestigasyon.
Sabi ng ilan, paano masasabi na International Mangroves Day kung tatlong (3) dekada na ang Special law ng SEP o RA 7611; at apat (4) na dekada naman ang Presidential Proclamation 2152 na deklarasyon bilang Mangrove Swamp Reserve ng Palawan – pero hindi ipinatutupad ang mga batas para sa pangangalaga ng bakawan.
Ayon pa sa Palawan NGO Network Inc., kapansin-pansin din na panay pabida ng mga training, planting, at speech ang ginagawa ng mga ahensya at pribadong grupo pero ang totoo ay hindi nakikita ang resulta ng mga ito sa gubat at kabakawan dahil sa kawalan ng implementasyon para rito.
Ang mga ugat ng bakaw o bakawan ay nakatutulong sa pagpapabagal ng mga daloy ng tubig; humaharang sa malalakas na hampas o pressure ng tubig-dagat o baha; pumipigil sa pagguho ng mga lupa sa mga pampang o baybayin; nagsasala rin ito ng mga nitrates, phosphate, at iba pang mga pollutant mula sa tubig; nililinis din nito ang kalidad ng tubig na dumadaloy mula sa mga ilog at sapa patungong karagatan.
Dagdag dito, mahalaga ang bakawan dahil tirahan ito ng mga libu-libong uri ng mga lamang-dagat o buhay-ilang; at nagsisilbing proteksyon sa malalakas na hangin, pagtaas ng tubig-dagat, storm surge, bagyo at iba pa nang hindi makapaminsala sa mga komuniddad malapit sa bakawan.