Photo courtesy | Bacolod Dessert Bakeshop
Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY – Pinasok ng hindi pa nakikilalang lalaki ang isang bakeshop sa bahagi ng Junction 1, Bgy. San Miguel, sa nabanggit na lungsod, pasado alas-nuwebe (9:00) nang umaga nitong Bagong Taon, Lunes, Enero 1, 2024.
Sa Facebook post, ibinahagi ng Bacolod Dessert Bakeshop na hindi nakunan ng ang pagpasok ng kawatan dahil sa ilalim ng lababo umano dumaan ang lalaki.
“Hindi nakunan ng [closed-circuit televesion ang] pagpasok dahil sa ilalim ng lababo [ito] dumaan,” bahagi ng Facebook captions ng tindahan.
Ayon pa sa tindahan, winasak ng kawatan ang kaha at nilimas ang naiwang benta ng tindahan.
“Winasak ang kaha [at] nilimas [ang naiwang] pera! [Binuksan] ang freezer at [uminom] pa ng 1.5 Coke. Gusto pa [yata] kumain ng cake kaso naka-lock [ang lalagyan nito].”
Nakuha umano ng kawatan ang pera mula sa kaha na nagkakahalaga ng humigit-kumulang dalawanlibong piso (P2,000.00).
Hindi na rin umano nagawang i-report sa mga awtoridad ang pangyayari dahil sa abala at pagod ng may-ari sa nakalipas na pagdiriwang ng Bagong Taon.