Ni Clea Faye G. Cahayag
ITO ang naging pahayag ni City Councilor Luis Marcaida lll sa kaniyang privilege speech kahapon.
Aniya, nais niyang maliwanagan ang konseho sa tunay na dahilan ng madalas na pagkaantala ng serbisyong elektrisidad dahil tila nagiging kultura na ang palagiang pagba-brownout sa lungsod.
Sa isang committee meeting, nais ipatawag ng Sangguniang Panlungsod ang pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) kaugnay pa rin sa madalas na pagkawala ng daloy ng elektrisidad sa Puerto Princesa.
Aniya, katulad na lamang sa barangay Bancao-Bancao nitong araw ng Sabado na nawalan ng kuryente simula alas-onse y midya (11:30) ng umaga hanggang alas-sais (6:00) ng hapon at kinabukasan, araw ng Linggo, muling nawalan ng kuryente ng alas-otso (8:00) ng umaga at itoβy bumalik bandang alas-tres (3:00) ng hapon.
At nitong araw ng Lunes, muling nakaranas ng malawakang brownout ang buong Lungsod ng Puerto Princesa dahil nagkaroon ng mechanical problem ang planta ng Palawan Power Generator Incorporated (PPGI).
βI would like to propose that this subject matter particularly sa brownout ay mai-refer po sana sa proper committee para po mapag-usapan at maipaliwanag ng PALECO [at ng mga power players]. Ano po ba ang dahilan [kung] bakit ito nagiging kultura na sa lungsod ng Puerto Princesa βyung panay-panay na brownout,β batay sa privilege speech ni Marcaida III.
Ayon naman sa PALECO ang nangyaring brownout noong araw ng Sabado at Linggo ay upang bigyang-daan ang preventive maintenance ng 2x25MVA Power Transformer sa Paleco substation at Tie Line Maintenance Activity ng National Power Corporation (NPC).
Humingi naman ng paumanhin ang kooperatiba sa abalang naidulot ng pagkawala ng kuryente.
Binigyang-diin din na ang nasabing aktibidad ay taunang isinasagawa upang mapanatiling episyente at maayos ang kondisyon ng mga power transformer sa substation ng PALECO na siyang nagta-transform ng power mula sa transmission line ng NPC patungo sa mga distibution line ng kooperatiba.