Photo courtesy | Samuel Macmac

PUERTO PRINCESA — Nakumpiska sa mga crew ng dalawang bangka ang mga kagamitang pangisda, mga makina, at mga nahuling isda na may kabuuang tinatayang market value na P2,180,460 matapos mahuli ng awtoridad dahil sa illegal fishing.

Ayon sa ulat ng awtoridad, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sa karagatan ang awtoridad ganap na 5:30 ng umaga mula sa Barangay Dili, Gasan, ay namataan naman na iligal na nangingisda ang dalawang bangka sa municipal waters malapit sa Gaspar Island sa lalawigan ng Marinduque nitong ika-4 ng Disyembre, taong kasalukuyan.

Agad na inaresto ang mga crew at kanilang mga bangka na nasa tinatayang 1.39 at 1.66 kilometro mula sa baybayin ng Brgy. Pinggan, Gasan matapos makitang iligal na nangingisda.

Kinilala ang mga nahuling bangkang pangisda na “F/B BIEN CRYSTAL 2” at “PRINCESS VHEA”.

Base sa impormasyon, ang mga ito ay walang kaukulang permit o lisensya mula sa lokal na pamahalaan o kaugnay na awtoridad. Ito umano ay paglabag sa Seksyon 86 (b) ng Republic Act 10654 o Unauthorized Fishing.

Isinagawa ang pag-aresto sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng Maritime Police Station (MARPSTA), Coast Guard-Sub Station, at Municipal Police Station.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng MARPSTA-Gasan ang mga indibidwal na nagsagawa ng iligal na pangingisda, at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.

Author