Photo courtesy: Palawan Provincial Police Office
Nasa advance stage of decomposition na nang matagpuan ang bangkay ng isang mangingisda sa Barangay New Canipo sa bayan ng San Vicente.
Kinilala ang 47-taong gulang na mangingisdang nasawi sa alyas na “Cardo”, walang asawa at residente ng nasabing barangay na natagpuang wala ng buhay noong Hunyo 8, 2025, sa pagitan ng alas-singko hanggang alas-sais ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, huling nakita ng pamilya si Cardo sa loob ng kanyang tahanan noong alas singko ng umaga ng ika-7 ng Hunyo, taong kasalukuyan. Ngunit makalipas ang isang araw, natagpuan ang kanyang wala nang buhay na katawan sa ilalim ng isang puno ng niyog bandang alas-diyes ng umaga.
Nakita ang kanyang bangkay na nasa yugto ng malawakang pagkabulok kung saan ang karamihan sa malalambot na tisyu ay nawawala na.
Base sa nakalap na impormasyon, mag-isa lamang siyang naninirahan at bahagi ng kanyang pang-araw-araw ba gawain ang pag-akyat ng puno ng niyog upang mag-ani ng tuba at gawing lambanog.
Hiniling naman ng San Vicente Municipal Police Station (MPS) sa pamilya ng nasawi na isailalim ang kanyang bangkay sa post-mortem examination upang matukoy ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Lumabas sa pagsusuri ng municipal doctor na nagtamo ang biktima ng maraming pinasala dulot ng pagkahulog mula sa puno ng niyog.
Samantala, tinitingnan naman ng pamilya ang anggulo na maaaring nadulas si Cardo mula sa puno dahil sa malakas na ulan sa nakalipas na araw. Agad naman inilibing ang kanyang labi sa barangay cemetery.