Bilang pagtalima sa ‘Coin Recirculation Program’ at ‘Clean Note and Coin Policy’, ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ay muling magsasagawa ng Piso Caravan sa Lungsod ng Puerto Princesa sa darating na Oktubre 26.
Ito ay isasagawa sa SM City Puerto Princesa simula alas diyes ng umaga (10:00 AM) hanggang alas tres ng hapon (3:00 PM).
Ayon sa nakalap na impormasyon ng
Repetek News
, layunin ng caravan na palitan ng bagong pera o e-money ang mga marumi at sira-sirang salapi.“Mga Palaweño, ipapalit ng bagong pera o e-money ang inyong mga marurumi (unfit) o sira-sirang (mutilated) pera sa Piso Caravan booth ng China Banking Corporation (China Bank), miyembro ng Palaweño Bankers Association, isang BSP Currency Exchange Partner,” paanyaya ng BSP sa mga Palaweño.
Anila, ang pera ay itinuturing na unfit kung ito ay may labis na pagkalukot, kupas ang imprenta o may mantsa.
Mutilated naman ang pera kung ito ay may punit, butas, nginatngat ng hayop o sira-sira.
Kaugnay rito, ang mga BSP-supervised financial institutions naman na nagnanais makibahagi sa Piso Caravan Program ay maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na BSP regional office o branch sa kani-kanilang lugar.