LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — ANG Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ay magsasagawa ng Piso Caravan sa lungsod ng Puerto Princesa sa darating na araw ng Sabado, Pebrero 24, 2024.
Ang Piso Caravan ay isang inisyatibo ng BSP upang palawigin ang pagpapatupad ng BSP coin Recirculation program at ng BSP Clean Note and Coin Policy.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang pera ay itinuturing na unfit kung ito ay may labis na pagkalukot, kupas ang imprenta o may mantsa. Mutilated naman ang pera kung ito ay may punit, butas, nginatngat ng hayop o sira-sira.
Sa naturang caravan, ang mga marumi at sira-sirang pera ay pwedeng papalitan ng bagong pera o e-money. Ang aktibidad ay gaganapin sa SM City Puerto Princesa at Robinsons Place Palawan Mall simula alas diyes ng umaga (10:00 AM) hanggang alas tres ng hapon (3:00 PM).
Maliban dito, magbibigay rin sila ng financial learning session bilang dagdag kaalaman pagdating sa usaping pampinansyal.