
PINASOK ng mga kawatan ang sleeping quarters ng mga basketball players ng bayan ng Aborlan nitong madaling araw ng Sabado, Hunyo 7, ayon kay Councilor-elect Rafael Ortega III.
Aniya, pinasok ng ‘di pa kikilalang mga salarin ang Student Center sa Manalo Street sa Lungsod ng Puerto Princesa kung saan pansamantalang nanunuluyan ang koponan ng nasabing bayan.
“Ninakawan po [ang] Aborlan Basketball Team kaninang 3am sa Quarters namin sa Student Center sa harap ng PSU MANALO. [‘]Di po nagising ang mga players dahil sa pagod sa paglalaro para sa bayan ngunit may mga masasamang loob na mapanamantala. Nakasara po ang gate namin, naakyatan lang po, sa bakod siguro dumaan,” ani Ortega.
Ayon sa opisyal, natangay mula sa mga biktima ang limang (5) unit ng cellphone na kinabibilangan ng iPhone 15 Pro Max, iPhone 11, Samsung A15, Poco X3 GT, at Samsung Galaxy A04, gayundin ang tinatayang limanlibong piso (P5,000.00), at isang shoulder bag na pagmamay-ari ng assistant coach ng koponan.
Nakiusap naman si Ortega sa publiko na kung sakaling mapagbentahan ng mga nabanggit na item ay agad na makipag-ugnayan sa kanila.
“Baka po may magbenta sa inyo ng [iPhone] 15 Pro Max, [iPhone] 11, Samsung A15, Poco X3 GT, Samsung Galaxy A04, [Paki-inform] lang po kami agad,” saad ni Ortega.
Samantala, narekober naman ang shoulder bag sa bahagi ng Brgy. San Pedro sa tulong ng barangay tanod sa lugar. Nilalaman ng nasabing bag ang ilang SIM cards, ATM Cards, at Identification cards.
Ayon sa ulat ng Palawan Island Network, hindi naman naibalik ang SIM card na naka-install sa yunit ng iPhone 15 Pro Max.
Nakapagsumite na rin ng blotter report ang grupo sa mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Station 1 na kung saan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pagkuha ng CCTV footage sa crime scene, at iba pa.