Kuhang larawan | Puerto Princesa City Information Office
PUERTO PRINCESA CITY — Umabot sa mahigit siyamnapu’t anim (96) na toneladang mga basurang nahakot sa isinagawang ika-apat (4th) na yugto ng ‘Save the Bays’ nitong araw ng Sabado, ika-9 ng Setyembre, ngayong taon.
Ayon sa City Information Office, layunin ng programa na mabawasan ang mga basura partikular na sa mga urban areas ng lungsod ng Puerto Princesa.
Batay naman sa datos ng Oplan Linis Program at Solid Waste Mangement, umabot sa kabuuang 212.66 tonelada ng iba’t ibang uri ng basura ang nakolekta mula sa una hanggang ikaapat na yugto ng aktibidad na isinagawa sa mga Barangay ng Mandaragat, Bagong Silang, Pagkakaisa, at Bagong Sikat.
“Nakikita natin na maliban sa ginagawa nating pagsasalba sa ating karagatan ay napapansin na rin ng buong mundo itong ginagawa natin para sa kalikasan. Malaki ang maitutulong ng gaganaping World Championships ng Dragonboat dito sa atin lalo [pa’t] ito ang isa sa magpapalago sa ekonomiya ng lungsod. [M]akikita nilang kaya nating mag-organize ng malalaking international event”, pahayag ni Punong Lungsod Lucilo Bayron.
Samantala, naging espesyal na panauhin naman si Miss Philippines Earth 2023 Yllana Marie Aduana at ipinaabot nito ang kanyang adbokasiyang “Sustainable Development Goals 14 o Life Below Water”.
“We have to preserve and protect our environment, most especially our seas or oceans because we, humans are part of this biodiversity,” pahayag ng beauty queen.
If we will not do our part to make our marine life protected, sino po ang aasahan natin?” tanong nito sa publiko.
Sinigundahan naman ito ni Civil Service Commission (CSC) Field Office – Palawan Director II Ms. Rowena Cunanan kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan ng mga aktibidad gaya ng ‘Save the Bays’ ay upang mapanumbalik ang disiplina sa mga mamamayan pagdating sa tamang pagtatapon ng basura.
Sa kabilang dako, nagkaroon din ng Mudball Throwing, Scoop Basura at Coastal Cleanup, Zumba, at paghahandog ng mga tugtugin ng mga bisitang mang-aawit.