Lumagda na sa isang Memorandum of Agreement (MOA) si Bataraza Mayor Abraham Ibba at ang JJC Group Development Asia SDN BHD para sa proyektong gawing “Smart City” ang Bataraza, Palawan.
Ang kasunduan ay nilagdaan nito lamang ika-18 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Ayon sa Alkalde, napakapalad ng kanilang munisipyo dahil ito ang napili ng developer para sa isang napakalaking proyekto.
“We are very thankful you chose Bataraza. Bataraza is very lucky. This is very very big project, first time here in the Philippines,” ani Mayor Ibba.
Ang Bataraza ang tinaguriang Pineapple Capital ng Palawan, ito ang isa may pinakamalaking agricultural area sa probinsya.
Kapag naisakatuparan ang proyekto, inaasahang magbibigay ito ng maraming trabaho sa mga Palawenyo at makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
“The project is focusing on fullfilling its potential in Bataraza to be recognized by the World’s for its tourism development and its economic activities. The development of Bataraza will also help create more jobs opportunities for its 10,000 local people which will increase the economic growth. By doing so, people reduce poverty rate in Bataraza,” ayon naman sa isang video presentation na mapapanood sa Youtube.
Isa sa highlight ng Bataraza Smart City ay ang pagkakaroon ng Formula One Race Track, na makatutulong sa turismo ng nabanggit na munisipyo.
Maliban dito, nakapaloob din sa proyekto ang pagtatayo ng International Airport at Seaport, Industrial Park, Municipal Complex, Theme Park, Cable Cars, Convention Center, Shopping Mall, Stadium, Golf Course, 5 star hotel, Mosque, Residential Apartments, Retirement Village at marami pang proyektong imprastraktura.
Kaakibat din nito ang pagkakaroon ng water at power supply system, solar energy complex, road network, communication system, drainage system, sanitary at sewerage system.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ng Alkalde ang mga Palawenyo na suportahan ang naturang proyekto dahil buong lalawigan ng Palawan ang makikinabang nito.
“Hindi lang kami ang makinabang nito—the whole Palawenyo, tayong lahat taga Palawan, taga Pilipinas ang makikinabang nito. Syempre may mga national and local taxes tayo kaya suportahan niyo ang project na ito, kasi medyo mahaba pa ang lalakbayin natin, isa sa mga ano natin yung permits. Local permits no problem, provincial permits no problem but the national permits.. si magtulungan tayo dahil ito lang po ang nag-iisa sa Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal.