Ni Ven Marck Botin
SA ulat ni Johnson Manabat ng ABS-CBN News, nadiskubre sa Tabon Cave ng bayan ng Quezon, Palawan ang mga ebidensyang gaya ng bato na nagpapatunay na ginamit ng mga sinaunang tao sa paggawa ng basket at tali.
Ayon sa resulta ng mahabang pag-aaral ng grupo nina Dr. Hermine Xhauflair mula sa UP-Diliman at Timothy Vitales na researcher mula sa National Museum, ang naturang kagamitan ay may tandang halos talumpung libong taong nakalilipas.
Sa panayam ni Manabat kay Vitales, sinabi ng researcher na sa pamamagitan ng ganitong uri ng pag-aaral, naipamumulat sa publiko kung gaano katagal ang tradisyon sa paggawa ng basket at tali sa sinaunang tao sa lugar.
“Basically, ang scientific discovery na ito will help us appreciate more kung gaano na katagal ang tradition ng basket making and rope making which can be related sa paggawa ng,” saad ni Vitales.
Ang Tabon Cave ay isang “significant archeological site” na matatagpuan sa nasabing bayan na nadiskubre ng Amerikanong archeologist na si Dr. Robert Fox noong 1962.
Sa kuweba rin nadiskubre ang tinaguriang Tabon skull cap na pinaniniwalaang patunay ng presensya ng Homo Sapiens sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Vitales na ang makalumang teknolohiya sa paggawa ng fiber gamit ang mga nadiskubreng bato ay patuloy pa ring ginagamit ng ilang mga katutubo sa lalawigan ng Palawan.
Sa panayam naman ni Manabat kay Xhauflair, sinabi ng doktor na mayroong ganitong kahalintulad na teknolohiya sa ibang mga bansa gaya ng mga bansang Vietnam at France.
Samantala, bukod pa sa historical value ng mga kagamitang nadiskubre, maituturing na “priceless ang mga batong ito, ayon sa pamunuan ng National Museum.
Nag-abiso naman sa publiko si Vitales na hindi pa bukas para sa ‘public viewing’ ang mga bagong tuklas na bato pero inihahanda na ng mananaliksik ang magiging puwesto ng mga kagamitan sa National Museum of Anthropology sa Lungsod ng Maynila.