Photo courtesy | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Pormal nang sinimulan nitong ika-12 ng Oktubre ang “All-in-One Bayanihan” community outreach program na inorganisa ng Tactical Operations Wing West (TOW West) at Tactical Operations Group (TOG) 7, sa mga bayan ng Quezon at Rizal, Palawan.
Ang aktibidad ay nabuo sa pakikipagtulungan ng Go Share Foundation, mga Non-government Organizations’ (NGOs) volunteers, Joint Task Group South, at mga lokal na Pamahalaan ng mga nabanggit na bayan, na naisakatuparan sa ilalim ng operational guidance at pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM).
Layunin ng programang “All-in-One Bayanihan” na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at tulong sa mga mamamayan ng Palawan partikular sa mga naninirahan sa malalayong lugar.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang pagsusuri sa mata gaya ng Cataract/Pterygium Pre-screening at potensyal na pagsasagawa ng operasyon sa Medicare Hospital sa bayan ng Quezon at sa Rizal District Hospital, Ransang Gymnasium, Rizal, Palawan.
Nakiisa sa kaganapan ang mga boluntaryong doktor mula sa Go Share Foundation kabilang ang mga lokal na doktor mula sa Quezon at Rizal.
Ang programa ay nag-aalok ng malawak na hanay ng mga serbisyo gaya ng medikal na konsultasyon, pediatric consultations, dermatology consultations minor surgeries, circumcisions, libreng dental extraction, libreng salamin sa mata, pamamahagi ng mga gamot at bitamina, provision of water filters, “Project Aral Kits” (mga gamit sa paaralan), damit, kasuotan sa paa, iba’t ibang gamit, at gupit, batay sa ulat ng Western Command.
“We are proud to support the ‘All-in-One Bayanihan’ initiative, showcasing the spirit of unity and teamwork that is truly remarkable. Together, we are making a tangible difference in the lives of the Palaweños, particularly those in remote areas,” pahayag ni Vice Admiral Carlos.