Photo courtesy | Mongabay
MIMAROPA, Philippines — Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) Chairman Governor Victorino Dennis M. Socrates at Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron bilang pagdeklara sa Cleopatra’s Needle Forest Reserve na maging Critical Habitat.
Naroon din sa kaganapan ang ilang kilalang indibidwal gaya nina City Environment and Natural Resources Officer (City ENRO) Atty. Carlo Gomez, PCSDS Executive Director Atty. Teodoro Jose S. Matta, Puerto Princesa City Councilor Jimmy Carbonell, at Officer-In-Charge (OIC) DENR CENRO Alexander E. Mancio.
Ang kasunduan ay batay sa PCSD Resolution No. 13-481, kung saan nagsasaad na ang lokal na pamahalaan ang nararapat na mamahala sa mga designated critical habitats na nasasakupan nito.
Kaugnay rito, ang Mount Cleopatra’s Needle Forest Reserve ay isang malago at magkakaibang tropikal na rainforest na matatagpuan sa Palawan partikular sa bahaging norte ng Puerto Princesa na kadalasang makikita ang malawak na hanay ng mga flora at fauna kabilang ang mga endemic at endangered species gaya ng Palawan hornbill at Palawan peacock-pheasant.
Ang reserbasyong ito ay isang sikat na destinasyon para sa eco-tourism at mga pagsisikap sa konserbasyon.