PUERTO PRINCESA CITY — Mabibili sa abot-kayang presyo ang mga handicrafts o produktong gawa sa beads at crochet gaya ng handbags, key chains, christmas tree, wallets, at iba pa, na personal na dinisensiyo at isinaayos ng mga kakabaihan ng Sta. Lucia Correctional Institution for Women (CIW).
Sa panayam ng lokal midya kay Carina Espora, Correction Technical Senior Officer III, ibinahagi ng opisyal na kasalukuyang naka-display ang mga produktong nabanggit sa kanilang display & production facility.
Aniya, ang mga produktong gawa mula sa beads at crochet ay ibinebenta sa abot-kayang halaga bilang dagdag-kita o pantustos sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga kababaihang Persons Deprived of Liberty o PDL.
Dagdag pa sa opisyal, ang mga indibidwal na bumibisita sa correctional ang pangunahing mamimili ng mga produktong nabanggit.
Kuwento naman ng ilang PDL, ang paggawa ng beads at crochet products ay bahagi lamang ng kanilang pinagkakaabalahan at hanapbuhay na lubos na makatutulong sa kanilang personal na pag-unlad.
Samantala, target ng pamunuan na ibenta ang mga produktong nabanggit sa online market, souvenir shops, at mga shopping centers sa lungsod ng Puerto Princesa.
Matatandang nagsimula ang CIW noong ika-28 ng Hunyo 2023 bilang bahagi ng decongestion ng CIW Mandaluyong. Ang nasabing correctional ay mayroong apatnapu’t siyam (49) na mga PDL kung saan dalawampu’t apat (24) dito ay mga taga-Palawan.