PUERTO PRINCESA CITY – Humigit-kumulang apatnapung (40) mga partisipante ang lumahok sa isinagawang talakayan ukol sa Benefits Information Drive sa pangunguna ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa Palawan na ginanap nitong Abril 23, 2024 sa VJR Hall ng kapitolyo.
Ang nasabing aktibidad ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika-79 na Anibersaryo ng Palawan Liberation na kung saan dinaluhan ito nina PVAO Claims Division Acting Chief at Supervising Veterans Assistance Officer Joeanne Marie Jomalesa at Veterans Assistance Officer II Maria Janice Jarito na siyang resource speaker sa kaganapan.
Ayon sa PIO Palawan, layunin umano nito na mabigyan ng sapat na kaalaman at mailapit ang mga serbisyo ng PVAO sa mga Filipino veterans, kapamilya at kaanak ng World War II veterans sa lalawigan patungkol sa claims and benefits gayundin sa mga miyembro ng Veterans Federation of the Philippines (VFP) at PLTF na nagsusulong ng mga karapatan at pagpapahalaga sa mga Filipino at war veterans.
Binigyang-linaw din sa kaganapan ang ukol sa iba’t ibang pension benefits tulad ng Old Age Pension, Death Pension, Disability Pension at Total Administrative Disablity Pension ang Non-Pension Benefits kabilang ang Burial Q Assistance at Educational Benefit.
Kasama ring tinalakay ang Veterans Hospitalization and Medical Care Program at mga batas na nakapaloob sa claims and benefits ng programa.
Batay sa kahilingan ng Palawan Liberation Task Force (PLTF) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates, ay naisakatuparan ang pagsasagawa ng information drive ng PVAO sa lalawigan.