PUERTO PRINCESA CITY — Nagkaloob ng tulong pinansiyal sa pitundaan at limampung (750) mga benepisyaryo sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng tanggapan ni Palawan 1st at 3rd District Caretaker House Speaker Martin Romualdez.
Ang programa ay alinsabay sa pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulo. Ito ay pinangasiwaan ni HS Romualdez Chief of Staff at National Youth Commission Commissioner-at-large Karl “Koko” F. Legazpi.
Ayon sa tanggapan ng ikatlong distrito, tumanggap ng tag-limanlibong piso (P5,000.00) ang bawat benepisyaryo sa lungsod sa ilalim ng programang ‘Serbisyong Sapat Para sa Lahat’ ng Pangulo.
Ito ay tulong para sa mga Pilipinong kumikita ng pinakamababang sahod kada araw o mas mababa pa at kapos sa kanilang pang-araw-araw na gastusin para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Samantala, dumalo sa kaganapan sina Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy M. Socrates at dating Palawan 3rd District Congressman, Atty. Gil ‘Kabarangay’ Acosta Jr.