Photo Courtesy: City Mayor’s Office of Puerto Princesa City
Bumisita sa mga lungsod ng Cauayan at Ilagan sa probinsiya ng Isabela nito lamang ika-14 at ika-15 ng Hunyo, taong kasalukuyan, ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa (CGPP) sa pangunguna ni Punong Lungsod Lucilo Bayron kasama ang mga department heads ng pamahalaang lokal.
Batay sa detalye, kasama ng alkalde sa naturang benchmarking visit sina City Councilor Elgin Damasco, City ENRO Atty. Carlo Gomez, GSO Violeta Dalonos, Budget Officer Ma. Regina Cantillo, CPDO Engr. Jov Sagun, CDRRMO Earl Timbancaya, PCO Jazel Montealegre, at City Treasurer Jerome Padrones.
Isa sa kanilang binisita ang konstruksyon ng sanitary landfill sa Cauayan na may integrated Materials Recovery Facility o MRF kung saan ipinakita sa delegasyon ng Lungsod ng Puerto Princesa ang teknolohiyang ginagamit ng Local Government Unit (LGU) ng Cauayan para pamahalaan ang basura sa kanilang lugar.
Sa Cauayan, hindi nila direktang itinatapon ang basura sa dumpsite, sa halip ito ay kanilang inire-recycle upang gawin upuan, uling at pataba sa lupa. Sa ganitong pamamaraan, nababawasan ang tambak ng basurang napupunta sa kanilang dumpsite.
Maliban dito, nabigyan din ng pagkakataon ang grupo ni Bayron na makita ang Ilagan City Hotel at Convention Center kung saan ang mismong lokal na pamahalaan ang nangangasiwa. Layunin ng benchmarking activity na ito na matutunan ang mga ‘best practices’ ng ibang LGUs na maaaring gawin sa lungsod ng Puerto Princesa.