PUERTO PRINCESA CITY — Papaigtingin ng gobyerno ng Pilipinas ang tulong para sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng karagdagang floating asset ngayong taon.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, malaking tulong umano ang mga nasabing sasakyang pandagat dahil nilalayon nitong palakasin ang presensya ng mga Pilipino sa pinag-aagawang dagat at upang matiyak ang kaligtasan at kabuhayan ng mga mangingisda sa rehiyon.
“Para ito sa ating mga mangingisda na meron pong platform ang pamahalaan para mas maipaabot pa sa kanila yung tulong ng pamahalaan at makita nila yung presensiya ng pamahalaan sa West Philippine Sea,”ani BFAR spokesperson Nazario Briguera.
Tinuran din ni Briguera sa kanyang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon nitong Lunes, hindi umano bababa sa 2.5 bilyong piso ang inilaan para sa pagbili ng monitoring control and surveillance (MCS) patrol vessels at food boats.
Ayon sa Peoples Television, aabot sa 385,300 Pilipinong mangingisda ang makikinabang sa nasabing interbensyon ng gobyerno partikular na ang mga nasa Ilocos Region, Central Luzon, Mimaropa, at Metro Manila.
Noong nagdaang taon, hindi umano bababa sa 80 milyong piso ang inilaan para sa LAYAG-WPS program na kung saan ay nakinabang ang 90 porsyento na mga mangingisda sa WPS, ayon pa kay Briguera.
Ilan sa mga tulong na naipagkaloob ng BFAR sa mga nasabing mangingisda ay fuel subsidy, at pagtatayo ng “payaw” o fish shelter.
Noong Pebrero 5, naging matagumpay ang paghahatid ng BFAR (resupply mission) ng 13 toneladang diesel kasama ang gasolina para sa mga pump boat, mga gamot, tubig na inumin, at mga makakain para sa labing-anim na bangkang pangisda ng mga Pilipinong mangingisda sa Rozul Reef .
Kaugnay nito, sa panahon ng naturang misyon ay wala umanong naobserbahang Chinese vessel sa paligid ng lugar.
“Ito’y magandang balita dahil nagawa natin ang ating layunin talaga na mabigyan natin ng regular na suporta ang ating mga mangingisda d’yan sa West Philippine Sea,” dagdag pa ni Brigueda.