Ni Vivian R. Bautista
NOMINADO bilang awardee ng Rafael M. Salas Kaunlaran Pantao Award o RMSKPA ng Commission on Population and Development (CPD) para sa taong 2023 si Ginang Marilou D. Nale, isang Barangay Population Volunteer o BPV ng Barangay Irawan sa ilalim ng City Population and Development Office ng lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa liham ng komisyon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, nakalahad sa sulat na napiling regional winner bilang Most Outstanding Barangay Population Volunteer sa buong rehiyon ng MIMAROPA si Nale at nominado rin ito para sa top three National Awardees ng RMSKPA.
Binibigyang pagkilala ng Rafael M. Salas Kaunlaran Pantao Award ang mga indibidwal, Local Government Unit (LGU), at organisasyon na naglalarawan sa gawain at panuntunan ni G. Rafael M. Salas, founding Executive Director ng United Nations Population Fund (UNFPA).
Isinusulong ni Salas ang kahalagahan ng ‘population management’ na importanteng bahagi ng sustenableng pagpaplano sa usaping populasyon ng mga bansang kabilang sa mahihirap na bansa o third world countries.
Kaugnay rito, ang RMSKPA ay iginagawad sa mga Barangay Population Volunteers at Workers na “Bayani ng Komunidad” bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap sa tungkulin at dedikasyon sa pagbibigay ng maayos na serbisyo para sa dekalidad na pamumuhay ng kanilang komunidad.
Ayon sa RMSKPA, mayroong dalawang kategorya para sa Most Outstanding Barangay Population Volunteer — ito ang City at Municipal Category.
Dagdag dito, ang mga kabilang sa top three winners ay makatatanggap ng cash grant na halagang 100,000.00 pesos, 75,000.00 pesos, at 50,000.00 pesos.