Photo Courtesy |

Repetek News

Team

PUERTO PRINCESA CITY — Isinumite ng Barangay Sta. Cruz sa Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang Resolution No. 07 na humihiling kay Punong Lungsod Lucilo Bayron na kumbinsihin ang pamunuan ng City Water District na malagyan ng suplay ng tubig ang kanilang lugar.

Sa ulat ng komite ng Energy, Public Utilities and Facilities na pinamumunuan ni City Councilor Elgin Robert Damasco, inihayag ni Punong Barangay Catalina Maming ng Sta. Cruz, na sa limang (5) purok sa kanilang barangay, dalawa (2) lamang dito ang mayroong pinagkukunan ng suplay ng tubig na nanggagaling pa sa Kawa falls.

Dagdag pa ni Damasco, batay naman umano kay Jenn Rausa tagapagsalita ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD), kasalukuyan nang nagsasagawa ng feasibility at technical studies ang kanilang pamunuan na may kinalaman sa paglalagay ng water system sa barangay Bacungan, Sta. Cruz at mga kalapit-barangay nito.

Aminado naman si Rausa na bagama’t hindi ito naisama sa Capital Expenditure ng water district ngayong taon, nangako ang pamunuan na bibigyan nila ng aksyon ang kawalan ng suplay ng tubig sa lugar.

“The Puerto Princesa City Water District (PPCWD) assured the committee that they will give preferential attention to that matter considering that the reliability and accessibility of the water sources is vital and necessary,” batay pa rin sa ulat ng komite.

Kaugnay nito, isang offshoot resolution ang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod na humihiling sa PPCWD na maisama sa kanilang capital expenditure ang pagtataguyod ng water system sa barangay Sta. Cruz.