PHOTO || KAIBIGAN MONG SAYANG FB PAGE

Ni Clea Faye G. Cahayag

NAKATAKDANG mamahagi ng libreng Vitamin C ang Barangay Sta. Monica sa kanilang mga nasasakupan, ito ang inanunsyo ni Kapitan Rolando “Mong” Sayang, ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 27 sa pamamagitan ng Facebook live.

Ang pamamahagi ay isasagawa sa covered gym ng naturang barangay sa darating na ika-30 ng Hulyo, dakong ala-una-y-medya (1:30) ng hapon.

Ayon kay Kap. Sayang, ito ang isa sa kanyang nakikitang paraan upang mapalakas ang immune system ng bawat isa upang hindi agad tamaan ng sakit lalo na sa panahon ngayon na marami ang nagkakasakit ng dengue.

“[M]arami po tayong nabalitaan na mga naapektuhan ng sakit na dengue na dulot ng lamok. Nakakalungkot dahil [mayroon] tayong ibang mga kabarangay na na-ospital at ang iba nga po ay talagang binawian ng buhay dahil dito [kaya] nakapag-decide po ang inyong Punong Barangay na mamigay tayo ng Vitamin C sa ating mga kabarangay to support doon po sa kanilang mga katawan para maproteksyunan ang ating kalusugan,” ani Sayang.

“[D]ito sa ating covered gym sa mga gusto pong mag-avail ng free Vitamin C na ipamimigay natin – pumunta po kayo. Mamimigay po tayo ng kahit konting Vitamin C,” pahayag ni Kapitan.

Maliban dito, binanggit din ni Kap. Sayang na patuloy rin ang pagsasagawa ng misting sa kanilang barangay partikular na roon sa mga lugar na mayroong naitalang kaso ng dengue.

Dagdag pa nito, maging ang mga health workers ay patuloy na nag-iikot upang magpakalat ng mga impormasyon kung paano makaiiwas sa nabanggit na sakit.

“Sana po sa maliit na paraan na ito ay maipakita natin na tayo ay really concerned sa ating kalusugan. Naniniwala po tayo na ang kalusugan pa rin po ang siyang pinakamahalaga at yaman na [mayroon] tayo sa mundong ito,” dagdag ng Kapitan.

Samantala, batay naman sa pinakahuling datos ng Vector Borne MIMAROPA, nangunguna pa rin sa lungsod ng Puerto Princesa ang barangay Sta. Monica na may 158 kabuuang kaso ng dengue.