PUERTO PRINCESA CITY — Iginawad nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Outcome Manager Ricardo M. Tungpalan at Program Manager Roel P. Dagsa kay Ginoong Fernando S. Antimano, Lupong Tagapamayapa ng Barangay Taratien, Narra, Palawan, ang isang development grant matapos tanghaling 2nd runner-up sa 2023 Lupong Tagapamayapa Incentives Award (LTIA) MIMAROPA Regional Assessment.
Isinagawa ang paggawad nitong ika-7 ng Nobyembre, taong kasalukuyan, na ginanap sa DILG Palawan Provincial Office, Salvador P. Socrates Government Center, PEO Road, Barangay Bancao-Bancao, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang nasabing grant ay gagamitin umano ng nanalong Barangay para sa mga programa at Proyekto na may kaugnayan sa pagpapabuti ng kanilang Katarungang Pambarangay operations, ayon sa DILG MIMAROPA.
Ang LTIA ay isang taunang paghahanap para sa Outstanding Lupon alinsunod sa Executive Order 394, s. 1997, para sa mga barangay na nagpakita ng mahusay na pagganap at kakayahang lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, at mag-ambag sa pagsulong at pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay.