PHOTO || CITY INFORMATION OFFICE

Ni Clea Faye G. Cahayag

MULA sa huling datos ng Emergency Operations Center (EOC) ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 26, umabot na sa 593 pamilya o katumbas ng 1,802 indibidwal ang mga inilikas dahil pa rin sa pananalasa ng bagyong Egay.

Ang mga evacuees ay kasalukuyang nanunuluyan sa iba’t ibang mga evacuation centers na naitala mula sa mga barangay ng Iwahig, San Rafael, Langogan, Manalo, Irawan, Iratag, Concepcion, Sicsican, Tanabag, Tagabinet, Lucbuan, Salvacion, Bacungan, Babuyan, at Maoyon.

Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, tiniyak ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na ang mga ito ay nabibigyan ng sapat na pagkain at iba pang pangangailangan.

“Lahat naman po ito ay nabibigyan ng tulong – na pagkain nila at inaasikaso ng ating mga CSWD,” ani Ligad.

Maliban dito, umikot din ang City Health Office (CHO) sa mga evacuation centers para magsagawa ng health assessment at mamigay ng mga gamot.

Patuloy rin ang monitoring ni Punong Lungsod Lucilo Bayron sa sitwasyon ng buong Puerto Princesa lalo na sa mga lugar na tumaas ang tubig sa ilog at mga naninirahan sa mga coastal areas.

Dahil hindi pa rin humuhupa ang pag-ulan, pinaalalahanan nito ang mga mamamayan na mag-ingat at maghanap ng ligtas na lugar na pansamantalang matutuluyan.