
Timbog ng mga kapulisan ng Police Station 2 – Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) katuwang ng Tactical Operation West ng Philippine Air Force (TOW WEST-PAF), 401st B Maneuver Company, at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ang tinaguriang Top 7 Most Wanted Person sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang suspek ay isang 27-anyos na lalaki, binata, at residente ng Purok Kalakwasan sa Barangay Tanabag na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Abril 20, taong 2022.
Batay sa police report, ipinag-uutos ng Regional Trial Court Branch 48, Fourth Judicial Region, Puerto Princesa City, ang pag-aresto sa suspek dahil sa kasong Homicide o paglabag sa Article 249 ng Revised Penal Code ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Dagdag dito, kabuuang P120,000.00 ang inirekomendang piyansa ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 2 habang naghihintay ng kaukulang disposisyon nito.