PHOTO || PPC COVAC

Ni Clea Faye G. Cahayag

INAANYAYAHAN ng City Health Office (CHO) ang mga indibidwal na nais nang magpa-third booster shot dahil mayroon ng available na Bivalent Vaccine sa iba’t ibang vaccination sites sa lungsod ng Puerto Princesa.

Sa isang panayam kay Dr. Ralph Marco Flores, Medical Officer lll ng CHO, tinuran nito ang Bivalent Vaccine ay maaari ng gamitin para sa 1st, 2nd, at 3rd booster dose.

“[Mayroon] na po tayong bivalent vaccine para sa Covid, ‘pag sinabi nating bivalent – ito po ay bagong version na ng vaccine kung saan ang mga latest variants ng vaccine ay isinama na po at isinaalang-alang na po sa vaccine na ito,” ayon kay Flores.

Dagdag pa nito, “p’wede po ito, as first, second dose booster; p’wede na rin po as third booster, wala pong problema [roon] – as booster in general ‘yung ating bivalent vaccine”.

Aniya, mangyaring magtungo lamang sa mga vaccination sites na matatagpuan sa SM City, New City Hall, at Robinson’s Mall. Ito ay bukas mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. At dalhin lamang ang vaccination card at iba pang ID para sa pagkilanlan.

Sa hiwalay naman na impormasyon mula sa PPC Covac, ang Covid-19 na Pfizer Bivalent ay maaari ng gamitin para sa 1st, 2nd, at 3rd booster dose ng mga indibidwal na 18 taong gulang pataas na nasa kategorya ng A1 (healthcare workers; A2 (senior citizens); at A3 (may mga comorbidities) na may apat (4) hanggang anim (6) na buwan na ang nakalipas mula sa huling bakuna ng Covid-19.

Ayon pa kay Flores, maging ang mga malalaking barangay sa lungsod ng Puerto Princesa ay mayroon na ring mga vaccination sites.

“[Mayroon] po tayong vaccination site sa SM City, Robinson’s Mall, City Hall, at sa mga malalaking barangay tulad ng Sta. Monica, Sta.Lourdes, San Pedro, San Miguel, Tiniguiban at Tagburos. [Mayroon] na po sila [roong] vaccines ng covid na nasa kani-kanilang mga barangay health stations kaya ‘di na po kailangan magpalayo pa [ng mga residente] sa kanilang mga barangay [mayroon] na pong mga vaccines,” aniya pa.