Photo courtesy | BJMP Regional Office MIMAROPA
SUPORTADO ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional Office MIMAROPA ang paglikha ng mga bagong silid-aklatan sa piitan para sa pagpapaigting ng edukasyon ng mga nasa bilangguan.
Naniniwala ang pamunuan ng BJMP 4B na sa pamamagitan nito ay mabibigyang pagkakataon ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na matuto ng mga bagong kaalaman, ideya at kasanayan, at maging libangan ang pagbabasa na makatutulong para sa kanilang rehabilitasyon.
Kaugnay nito, isang book donation drive ang isinasagawa para sa “Libro ng Pagbabago, sa BJMP may Katuparan” na isinusulong na programa ng pamunuan ng BJMP Calapan City District Jail (CCDJ), Calapan City, Oriental Mindoro, na kasalukuyang nangangalap ng mga fiction at non-fiction na libro, at iba pang literacy support books kasama ang board games mula sa mga nais mag-donate na makatutulong sa pagbuo ng kanilang silid-aklatan sa bilangguan.
Ayon kay Jail Officer 2 Kristelle Ugay, Admin and Community Relations Service Officer, isa ang jail library sa mga pangunahing pasilidad sa BJMP-CCDJ na layuning isama sa mga aktibidad sa pagbabasa bilang isa sa mga opsyon para sa mga PDL upang makakuha ng Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring o TASTM.
Paliwanag naman ni Welfare and Development Officer, Jail Offcer Jexter Manebo, ang mga TASTM allowances ay nagpapababa ng oras sa mga sentensiya at nagpapadali ng decongestion sa pamamagitan ng maagang pagpapalaya na sinamahan ng rehabilitasyon na nakabatay sa pinabuting edukasyon at bokasyonal na kasanayan.
Naisagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Calapan City Public Library at Divine Word College of Calapan Library sa pamamagitan ng program ng BJMP na “Read Your Way Out” sa pakikipag-ugnayan sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC).
Samantala, kasalukuyan naman 196 PDL sa BJMP-CCDJ ang aktibong nakakikilahok sa iba’t ibang edukasyon at coaching activities sa panghabambuhay na pag-aaral.