Photo courtesy | PIO Palawan
PUERTO PRINCESA CITY | Sa ginanap na sesyon ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan ng Palawan nitong Enero 23, inihayag ni Board Member Ryan Maminta sa kanyang privilege speech na nais niyang matalakay muli sa sesyon ang usapin ukol sa taas presyong enerhiya sa lalawigan.
Ito ay sa pamamagitan ng Proposed Resolution No. 052-24 Supporting House Resolution No. 1544 entitled “Directing the Committee on Energy to conduct an inquiry, in aid of legislation, on issues of sufficiency, reliability, and affordability of electricity in the Province of Palawan with the end view of providing reasonable energy rates, efficient power distribution and sustainable source of energy supply for Palaweños, na iniakda ni BM Ryan D. Maminta.
Ayon sa bokal, alam diumano ng mga Palaweño ang sitwasyon ng pagtaas ng power rate ‘di lamang sa lalawigan kundi pati narin sa Lungsod ng Puerto Princesa dahil sa mga kasunduan sa pamamagitan ng emergency procurement o emergency power supply agreement ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), ito’y bunsod ng sitwasyon na kung saan ay nagkukulang ang generation at suplay ng enerhiya ng kuryente sa Maingrid.
“Ang pagtayo ko po ay upang isulong ang pakikiusap sa ating mga kinatawan sa Kongreso sa ngalan ni Cong. Jose Ch. Alvarez ng 2nd District, Cong. Edgardo ‘Egay’ Salvame ng 1st District at sa kasalukuyang tagapangalaga ng Ikatlong Distrito na si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez , ganoon narin sa bahagi ng Senado sa pangunguna ni Senador Raffy Tulfo ang nangunguna sa Committee on Energy ng Senado upang magkaroon ng interbensiyon at pangangatawan sa ating Member Consumer Owner (MCO) sa buong lalawigan ng Palawan, upang maibalik ‘yong subsidiya na inaalis sa pamamagitan ng isang Department order o Circular Order ng Department of Energy (DOE) pagdating sa mga emergency procurement o iyong tinatawag na negotiated procurement ng emergency power supply na kung saan tinatanggal po ang anumang porma ng subsidiya, ” ani BM Maminta.
Aniya pa, ang lalawigan ng Palawan ay patuloy umanong nagiging kabahagi ng tinatawag na Missionary Electrification o ‘yong offgrid area na hindi konektado sa Maingrid ng ating bansa kaya malaking bahagi ng subsidiya ay ini-enjoy ng mga Palaweño ngunit maaari itong mawala.
Ang tanging nakikitang paraan ng bokal na kung saan ang p’wedeng makiusap sa DOE ay ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, kabilang ang mga lider, lokal na Pamahalaan, mga kinatawan sa Kongreso, mga Senador, at pati narin ang mga ka-partner na indibidwal sa Pamahalaang National.
“Kaya po ang pakiusap na ito ay ilagay natin sa isang kapasyahan o isang resolusyon na ninanais ko at inaapela ko na Pag-usapan natin ngayon at aprubahan natin ngayon ang mga resolusyon na ito para makarating nang daglian at madalian sa ating mga kinatawan sa Kongreso sa Senado at sa DOE upang ang boses ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng member consumer owner (MCO) ay makarating din sa kanila, malaking pahirap ang karagdagang tatlo, apat, o limang pisong dagdag Kilowatt hour. Isipin natin kung ikaw ay kumukonsumo ng isandaang (100) KW hr sa buong isang buwan ay karagdagang limangdaang piso, samantalang marami nang maibibili yun sa pang-araw-araw na konsumo ng ating mga kababayan, ” dagdag pa ni Maminta.
Sa kabilang banda, kung ito’y mapagtatagumpayan ng mga kinatawan sa pamamagitan ng hamon na ito ng Sangguniang Panlalawigan ay malaking tulong umano ito para sa mga Palaweño.
Samantala, suportado naman ni BM Rafael Ortega Jr. ang naging pahayag ni Maminta sa nasabing sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Matatandaang, kamakailan lang ay nagkaroon na ng isang pagpupulong ukol sa hinaharap na krisis sa kuryente sa lalawigan at lungsod ng Puerto Princesa na kung saan ay ipinatawag ni Committee Chairman on Energy BM Ryan Maminta ang mga taga MCO, mga kinatawan ng PALECO, at power provider sa lalawigan.