PUERTO PRINCESA CITY—Arestado ang isang 27-anyos na boat helper na kabilang sa most wanted list ng lalawigan at bayan ng El Nido sa pamamagitan ng pinagsamang-puwersa ng pulisya na ikinasa sa Barangay Tenegueban.
Sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PPO), kinilala ang suspek bilang si alyas “Janjan” na residente ng nasabing barangay. Siya ay ika-8 provincial level at ika-7 sa municipal ng mga most wanted individuals sa Palawan.
Sa pinaiigting na kampanya kontra most wanted persons ng Palawan PPO sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Jovito M. Atanacio, Acting Provincial Director, natimbog ang binata sa operasyon na isinagawa ng El Nido Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Provicial Intelligence Unit (PUI)-PALPPO, 4th Platoon ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC), at 401st MC RMFB nitong ika-24 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 9, 2025, ni Presiding Judge Emmanuel Q. Artazo, Family Court, Branch 14 sa Taytay, Palawan.
Kasalukuyang nahaharap ang naarestong indibidwal dahil sa dalawang mabigat na kaso ng Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansa na P120,000.00, at Statutory Rape subalit walang itinakdang piyansa ang korte para sa kasong ito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si alyas Janjan para sa tamang dokumentasyon at tamang disposisyon.