Photo courtesy | CIO-Puerto Princesa
Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines – Umabot sa 1,041 business renewals at siyam (9) na mga bagong negosyo ang nabigyan ng lisensiya ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pamamagitan ng Business One Stop Shop o BOSS nitong unang linggo ng Enero 2024.
Dahil dito, mahigit 77,642.25 libong piso ang nakolektang buwis mula sa mga bagong negosyo habang 13,021,0041.71 milyong piso naman ang nakolekta mula sa mga renewal. Umabot sa kabuuang 13,101,975.26 Philippine pesos ang naiambag nito sa kaban ng bayan.
Ayon sa ulat ng City Information Office ng Puerto Princesa, mabilis ang pagproseso ng pagre-renew ng negosyo kapag kompleto ang mga kinakailangang dokumento at mabayaran ang kaukulang bayarin sa mga ahensiyang may kinalaman sa pagnenegosyo tulad ng Social Security System (SSS), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philhealth.
Dagdag ng lokal na ahensya na tatlong (3) hakbangin lamang ang ipinapatupad ng Pamahalaang Lungsod upang makakuha nang lehitimong business permit: ito ang apply, pay, at release na hindi umano aabutin ng ilang oras na transaksyon.
“[Maaaring] mag-apply online sa pamamagitan ng website na puertoprincesa.ph. Maaari na ring mag-online payment kung may Landbank account ang negosyante. [At] sa mga napili namang magtransakyon ng personal sa gusali ng Pamahalaang Panlungsod na may mga foodstalls na mabibilihan pagkain habang naghihintay ng kani-kanilang transaksiyon,” paglalahad ng tanggapan ng City Information Office.
Dagdag pa ng ahensya, naglagay na rin ng Business Permit and License Kiosk sa SM Puerto Princesa upang mabigyan ng mabilisang serbisyo ang mga negosyante sa lungsod. Anila, bukas din ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan na may kinalaman sa permit tuwing araw ng Sabado bilang dagdag puwersa sa mabilisang transakyon.
Hinihikayat naman ang lahat ng mga negosyante na agarang i-renew ang kani-kanilang mga business permit bago matapos ang Enero 20 ngayong taon.
Pagbibigay-diin ng ahensya na may kaukulang pataw o penalty na 25% quarterly surcharge at 2% na monthly surcharge sa bawat buwan hanggang hindi naire-renew ang kanilang ‘permit to operate’ sa Lungsod ng Puerto Princesa.