Pinangunahan ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang isinagawang First Aid and Basic Life Support Training para sa mga Boy Scouts at Girl Scouts sa elementarya ng ilang bayan sa lalawigan ng Palawan.

Mismong mga piling personnel ng 2nd Palawan PMFC ang tumayong instructor para magturo ng kaalaman at kasanayan patungkol sa pagbibigay ng agarang paunang lunas para sa mga batang scouts bilang bahagi ng Joint BSP and BSP Encampment na may temang “Scouting Developing Life Skills and Resilience” na ginanap kamakailan.

Layunin ng nasabing pagsasanay na ihanda ang mga kabataan para sa mga hamon sa hinaharap.

Kabilang sa mga itinuro sa mga batang scouts ang Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), pagbibigay ng first aid sa pagkapilay, at choking first aid para sa tamang pagtugon sa mga posibleng aksidente o insidente.

Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at kasanayan, makapagbibigay ang mga scouts ng agarang tulong sa oras ng pangangailangan, at maaaring maligtas ang buhay ng taong nawalan ng malay o huminto sa paghinga.

Ang isinagawang pagsasanay ay nakatutulong naman para magkaroon ng kumpiyansa ang mga scouts na harapin ang anumang emerhensiya nang walang pangamba.

Samantala, naging katuwang naman sa nasabing aktibidad ang mga guro ng Sandoval Elementary School at Magsaysay Elementary School sa mga bayan ng Roxas at Dumaran.

Author