Photo Courtesy | Hello, Doctor Philippines

PALAWAN, Philippines – Mas pinalawak na ngayon ang bagong saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), makaraang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Martes, Hunyo 11, ang mas malawak na saklaw para mapasama sa (4Ps) ang mga buntis at nagpapasusong ina na layon ay matiyak ang kalusugan ng mga bata sa kanilang unang 1,000 araw.

Kamakailan, nakipagpulong si PBBM sa iba’t ibang ahensya na kinabibilangan ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health at iba pang kinauukulang ahensya sa Palasyo ng Malacañang upang maglahad ng kani-kanilang pag-aaral at rekomendasyon sa reporma sa 4Ps cash grants.

Sa isinagawang pagpupulong noong nakaraang buwan ng Pebrero 2024, iminungkahi ng DSWD na taasan ang 4Ps grant at magbigay ng cash grant sa Unang 1,000 Araw (F1KD) ng mga bata.

Ang nasabing rekomendasyon ay magkakaloob sa mga benepisyaryo ng 4Ps na maging maayos o mapabuti ang pagsunod ng mga ito sa mga kondisyon ng naturang programa upang makaiwas sa malnutrisyon at pagkabansot.

Bunsod nito, tuluyan nang inaprubahan ng Pangulo nitong Martes ang panukala ng DSWD para sa pagbibigay ng cash grant sa mga buntis at nagpapasusong kababaihan upang matiyak na sila ay humingi ng serbisyong pangkalusugan upang matugunan ang mga pangangailangan sa kalusugan ng kanilang mga anak sa kanilang unang 1000 araw.

“Sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, dalhin ang ina, ang pamilya sa sistema. That’s really good,” sabi ng Pangulo.

Pagkatapos, inatasan ng Pangulo ang DSWD at ang NEDA na buuin ang mga huling numero at ipasa ang mga ito sa kanya upang magawa ang mga kinakailangang pagsasaayos kung daan binibigyang-diin ni Marcos Jr. ang kahalagahan ng karagdagang suporta.

Base sa ulat ng Presidential Communications Office, nauna na umanong iniutos ng Pangulo ang pag-aaral sa mga pagsasaayos sa 4Ps cash grants upang matugunan ang mga kakulangan sa kalusugan sa sistema at matulungan ang mga benepisyaryo na makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado sa bansa.

Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang 4Ps beneficiary-family ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng sampung buwan, na may kondisyon sa pagpasok sa paaralan ng kanilang anak; P500 bawat bata bawat buwan sa loob ng sampung buwan para sa junior high school na may parehong kondisyon sa pagpasok sa paaralan ng kanilang anak at P700 bawat bata bawat buwan sa loob ng sampung buwan para sa senior high school na may parehong kondisyon; at P750 bawat buwan bawat sambahayan sa loob ng 12 buwan sa kondisyon na ang kanilang mga anak na may edad 2-14 taong gulang ay nasa ilalim ng growth development at monitoring; deworming at dumalo sa mga sesyon ng pagpapaunlad ng pamilya.