Photos courtesy | LGU Cuyo/LGU Busuanga/ Why Go Ph.

Kinilala ng Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ng Department Order No. 074-2024 ang mga bayan ng Busuanga at Cuyo bilang mga ganap nang first at third class municipalities sa lalawigan matapos maabot ang mga kwalipikasyon nito.

Ito ay base sa Republic Act 11964 o “Ang Automatic Income Classification of Local Government Units Act”.

Nakapaloob sa nasabing batas na awtomatikong kilalanin bilang first class municipality ang mga bayan na may karaniwang taunang regular na kita ng dalawandaang milyong piso (P200,000,000.00) o higit pa.

Magiging ganap nang third class municipality naman ang mga bayan na may karaniwang taunang regular na kita na isandaan at tatlumpung milyong piso (P130,000,000.00) o higit pa, ngunit mas mababa sa isandaan animnapung milyong piso (P160,000,000.00).

Samantala, tinuturing naman ng Pamahalaang Bayan ng Busuanga sa pangunguna ni Mayor Elizabeth Cervantes na isa itong katuparan ng kanilang mithiin para sa darating na taong 2025 na makausad mula sa pagiging 3rd class municipality, at maging isa ring tanyag na eco-tourism destination sa lalawigan.

Lubos din nagpapasalamat ang Pamahalaang Bayan ng Cuyo sa ilalim ng liderato ni Mayor Mark L. Delos Reyes na umusad na ang naturang bayan mula sa pagiging 4th class municipality.

Author