PUERTO PRINCESA CITY — Dahil sa nararanasang krisis bunsod ng pagtaas ng mga bilihin sa merkado, bago matapos ang buwan ng Marso, itinaas na sa limandaang piso (P500) kada buwan ang diskwento sa mga groceries at iba pang pangunahing bilihin para sa mga senior citizen at person with disability o PWDs.
Ayon sa People’s Television, nitong Martes ng gabi, Pebrero 27, nakipagpulong ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pangunguna ni Usec. Carolina Sanchez kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang ipaalam na papayag ang tanggapan ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas sa kahilingan ng Ispiker ng Kapulungan para sa karagdagang diskwento sa matatanda at PWDs na ipatutupad ngayong buwan ng Marso.
“I am delighted to welcome the imminent implementation of increased discounts for our senior citizens and PWDs,” ani Romualdez.
Binigyang-diin din ng speaker na ang pamunuan ng Kamara ay mahigpit na nakikipagtulungan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makamit ang kanyang bisyon na bumuo ng isang mas mahabagin at pantay na lipunan.
“We’re working so that the usual P65 per week discount for senior citizens and PWDs may be increased to P125,” ani Sanchez.
Nangangahulugan din umano ito ng pagtaas sa P500 kada buwan mula sa kasalukuyang P260 na buwanang diskwento sa mga groceries at premium items na tinatamasa ng mga matatanda at PWDs.
Ayon pa kay Sanchez, patuloy pa rin ang isinasagawang proseso ng konsultasyon sa mga stakeholder, ang kinakailangang inter-agency circular upang ipatupad ang karagdagang diskwento ay posibleng mailabas at magkakabisa sa buwan ng Marso.
“It’s a jopint issuance between the DA (Department of Agriculture), DTI, and the DOE (Department of Energy),” paliwanag ni Sanchez.
Samantala, ang mga nasabing diskwento ay sumasaklaw lamang umano sa mga pangunahing bilihin, o mga tipikal na bagay na kinakain araw-araw, tulad ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, pati na rin ang sariwang at naprosesong gatas, hindi kasali ang medical grade milk.
Sakop din nito ang mga manufactured goods, gaya ng processed meat, sardinas, at kahit corned beef, maliban lang sa mga premium brand.
Ang mga premium items, kabilang ang hindi mahahalagang pagkain tulad ng mga cake at pastry, ay hindi umano kasama sa mga karagdagang diskwento ayon kay Sanchez.
Sa kabilang banda ay pwede rin umanong magkaroon ng karagdagang diskwento ang mga senior citizen at PWD pagdating sa mga pangunahing kagamitan sa konstruksiyon, tulad ng semento, hollow blocks, at mga suplay ng kuryente, kabilang ang mga bombilya.
Sinabi niya na kasunod ng pagpapalabas ng implementing inter-agency circular, ang DTI ay maglalathala ng komprehensibong listahan ng mga bagay na sakop ng karagdagang diskwento para sa mga nakatatanda at PWDs upang gabayan ang publiko at ang mga apektadong merchant.
“I commend the efforts of the DTI and other concerned agencies for their diligence and commitment to advancing this crucial initiative. Their dedication to ensuring the timely implementation of these increased discounts is truly commendable and reflects our shared vision of a more inclusive and caring nation,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.