Alam niyo ba na ang balat at skeletal remains ng isang 17.6 footer crocodile na makikita sa lobby ng PWRCC-Crocodile Farm ay ang buwayang pinangalanang Rio, na hango sa lugar na kung saan siya nahuli.
Base sa maikling kwento na ipinost ni Ginoong Roy Bero sa kanyang Facebook account, tatlo (3) katao umano silang nakahuli kay Rio isa sa pinakamalaking buwayang nahuli noong ika-4 ng Agosto, 1992 sa ilog ng Barangay Rio Tuba, Palawan.
Ang matatapang na hunters ay nakilala sa pangalang sina Ginoong Alan Barte, ang namayapang si Jun Nale at si Mr. Roy Bero na buwis- buhay umanong humuli sa nasabing buwaya noong mga panahong iyon.
Sa pagbabalik tanaw ni Ginoong Bero, galing umano sila ng Balabac noon sakay ng speedboat ng sundoin sila ng ipinadalang sasakyan ng Crocodile Farming Institute (CFI) sa Brgy. Rio Tuba.
“Noong ibinaba namin ang mga buwaya ay maraming tao ang nakiusyoso at nabanggit nila sa amin na may Katutubo na namamana sa ilog Rio Tuba, ang inatake at kinain ng malaking buwaya noong nakaraan lang. Sabi namin ay babalik kami. Nang maihatid namin sa CFI ang mga huli naming buwaya ay ipinarating namin sa pamunuan ang balita na may inatakeng tao at kinain ng buwaya sa ilog Rio Tuba.
Kinabukasan ay naghanda ulit ang team na kinabibilangan ni Alan Barte, Roy Bero, at Jun Nale (namayapa na).
Pagdating sa Rio Tuba, Bataraza ay nakita namin agad ang isang malaking buwaya na lumalangoy sa malaking ilog at paitaas (upper stream) kaya hindi na kailangan na mag night spotting.
Pagkababa ng speedboat ay naghanap kami ng station na madalang ang mga tao para may paglagyan ng mga gamit at matutuluyan.
Pagkatapos kaming tatlo ay sumakay sa speedboat para I survey ang ilog. Nadaanan namin ang pamilya ni Delfin Seplan (ang Katutubong inatake ng buwaya) na binubongbong ang ilog umaasa na mapatay nila ang buwaya.
Pagkatapos ay naglagay kami ng mga balsang saging para pagtayuan ng silo na malambot na kable,” saad ni Ginoong Bero.
Ayon pa kay Bero, noong ikalawang araw nadaanan nila ang pamilya ng biktima na nakatipon sa may itaas na bahagi ng pampang ng ilog at duon ay kanilang nakita ang bangkay ng biktima na tadtad ng malalaking sugat at wala ng hita.
Nakiusap din ang grupo ni Bero sa pamilya ng biktima na kapag nahuli ng grupo ang buwaya ay hindi nila ito sasaktan at sila na ang bahala sa buwaya.
Pagdating ng ika-apat (4) na araw ay kanila nang nahuli sa ilog ng brgy. Rolio Tuba ang nasabing buwaya na may habang 17.6 ft (crocodilus porosus).
Umabot din ng apat (4) na oras ang paghila dito upang maitabi at maidala sa gilid ng bakawan.
Naging malaking hamon din sa kanilang tatlo na kung paano igapos ang bibig ng buwaya, hanggang sa kanilang naisip na ipasok ang ulo ng buwaya sa gitna ng malalaking ugat sa puno ng bakawan.
Noong mga panahong iyon ay mahirap para sa kanila ang kanilang ginawa dahil high tide at malabo ang dagat sa ilog.
Sumisid si Bero habang pinipigilan umano ni Alan at Jun ang tatlong lubid na nakatali sa panga ng buwaya habang ginagapos niya ang bibig ng buwaya sa ilalim ng dagat.
Ang buwayang si Rio sa pagkaalala ni Bero ay may bigat na nasa higit kalahating tonelada.
Ito ang pinakamalaking buwaya na nahuling buhay noong wala pa si Lolong .
Ayon pa sa kanya, ito umano ang kanilang buwis-buhay na ambag sa konserbasyon at sa industriya ng turismo sa Palawan na nagbibigay ng kita sa larangan ng turismo.