Photo courtesy | Gov. Socrates FB
PUERTO PRINCESA CITY – Tumanggap kamakailan ng tag-limampung libong pisong (50,000.00) tulong pinansiyal ang mga lokal na pamahalaan ng San Vicente at Cagayancillo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Personal na iniabot ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates kasama si PADAP/ SPS-CARES Program Dir. Eduardo Modesto Rodriguez kina San Vic Municipal Treasurer Ramon Molo at Cagayancillo Municipal Mayor Sergio Tapalla ang tulong pinansiyal para sa Anti-Drug Abuse Program ng mga nabanggit na bayan.
Ayon sa gobernador, ang Provincial Board Resolution No. 18822 ang naging daan upang mabigyan ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan si Gob. Socrates na lumagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan nito at mga Local Government Unit para sa paglalaan ng naturang halaga ng pondo.
Dagdag pa rito, ang pagkakaloob ng naturang pondo ay batay umano sa Department of the Interior and Local Government (DILG) & Dangerous Drugs Board (DDB) Joint Memorandum Circular 2018-01 kung saan inaatasan ng mga ito ang Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) na magkaloob ng pinansiyal o technical support sa mababang Anti-Drug Abuse Councils.
Matatandaan din na una nang napagkalooban ng naturang tulong ang mga bayan ng Roxas na sinusundan naman ito ng bayan ng San Vicente at Cagayancillo habang nakatakda namang pagkalooban ang mga bayan ng Brooke’s Point, Culion, Cuyo, Sofronio Espanola, Narra, at Kalayaan na kabilang sa siyam (9) na MADAC sa lalawigan.