PHOTO | PCSDS

Ni Vivian R. Bautista

NAKIISA sa pagpupulong ang pamunuan ng Palawan Council for Sustainable Development o PCSD kaugnay sa planong palawakin ang proyektong Clamianes Watershed sa bayan ng Coron, Palawan.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga layunin sa pagsasakatuparan ng proyekto partikular na ang paglikha ng isang functional watershed committee; pagpapalawig ng proteksiyon ng biodiversity ng lugar, at paglinang sa kagubatan sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan kabilang na ang pagkakaroon ng matibay na komunidad na may tuluy-tuloy na hanapbuhay; at pagtatalaga ng deputized Bantay Gubat and Wildlife Enforcement Officers sa nasabing watershed.

Ayon sa ulat, planong pataasin ang kapasidad ng Calamianes Watershed sa pamamagitan ng pagpapalawak o pagkakaroon ng phase 2 ng proyekto sa Mabentangen Dam, Bgy. Poblacion 6.

Matatandaan na taong 2022 nang sinimulan ang unang bahagi ng proyektong nabanggit sa San Miguel, sa bayan naman ng Linapacan, Palawan.

Ang pagpupulong ay ginanap sa Rudy’s Place, Coron, Palawan nitong ika-16 ng Agosto, 2023, na dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan mula sa gobyerno at pribadong sektor kabilang ang PATH Foundation Philippines Inc. (PFPI), Culion Foundation Inc. (CFI), Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Coast Guard (PCG), Palawan State University – Coron Campus, Department of Environment and Natural Resource (DENR) – Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), at mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd).