Ni Clea Faye G. Cahayag
SUNUD-sunod na dumating sa lungsod ng Puerto Princesa ang ilang personalidad at asosasyon nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Mayor Lucilo Bayron nag-courtesy call sa City Government si Ambassador of Canada to the Philippines H.E David Hartman.
Aniya, isa sa kanilang napag-usapan ang mga development plans sa lungsod kung saan nag-alok ng tulong ang Ambassador.
“Nag-courtesy visit sa atin ang ambassador ng Canada nu’ng last Monday – Canadian Ambassador, His Excellency David Hartman at marami rin kaming napag-usapan tungkol sa mga development plans ng lungsod ng Puerto Princesa at inaalam nila kung paano sila makaka-participate,” ayon sa Alkalde.
Maliban dito, dumating din ang mga opisyales ng Philippine Practical Shooting Association at inirekomenda sa Alkalde ang pagsasagawa ng shooting competition sa lungsod.
“Ang daming courtesy call [isa rito] ‘yung Philippine Practical Shooting Association, nagsa-suggest na magkaroon tayo ng shooting competition dito,” pahayag ni Bayron.
Nag-courtesy call din ang Joint Field Visit Readiness Assessment of Sub-National Malaria Efforts Team na kinabibilangan ng mga miyembro World Health Organization (WHO) Philippines, Department of Health (DOH) MIMAROPA at Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI) may kinalaman sa kaso ng Malaria sa Puerto Princesa.
“‘Yung mga galing sa World Health Organization dala ni (City Health Officer) Doctor Ric (Ricardo Panganiban) kasi concern sila sa cases ng Malaria. Hindi naman masyadong marami sa atin, 32 cases etc, mas marami sa Sur, sa Southern Palawan municipalities, dati konti na lang ang Malaria natin pero medyo dumami ngayon,” ayon pa sa Alkalde.
Dumating din ang Cognizant, isang Business Process Outsourcing (BPO) company na planong buksan din sa siyudad.
“[Ito ang] pangatlong BPO na mag-establish sa Puerto Princesa. Ibang-iba itong sa Cognizant kasi home based ‘yung mga call agents nila. Ire-resolve lang nila paano kung mag-brownout, paano tatakbo ang mga internet nila [roon] sa mga bahay,” paliwanag pa ni Bayron.
Mayroon din dumating na isang digital company kung saan ipinanukala na i-digitalized ang lahat ng operations sa siyudad. Ang kompanyang ito ay ipinasusumite naman ni Bayron ng isang written proposal para ma-evaluate ng mga Information Technologist (IT) ng lokal na pamahalaan.