LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Nagkaloob ang pamunuan ng Palawan Provincial Government Employees Association (PPGEA) ng mga donasyon sa tatlumpung (30) mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na naapektuhan ng nangyaring sunog kamakailan sa Quito area.
Ginanap nitong araw ng Lunes, Pebrero 19, ang pamamahagi ng donasyon sa mga kawani na biktima ng Quito fire incident.
Ayon sa Provincial Information Office (PIO) Palawan, naging posible ang naturang tulong sa inisyatibo nina PPGEA President Leonila R. Baga at Vice President Leticia U. Liao na nagtulong-tulong upang makaipon ng mga donasyon tulad ng mga kasuotan, kumot, at iba pang kagamitan na nagmula pa sa mga kawani ng kapitolyo upang makatulong sa kapwa kawani na nangangailangan nito.
Nagkaloob din ng cash assistance na limanlibong piso (5000) para sa bawat benepisyaryong kawani ng PGP.
Samantala, nananawagan naman ang PPGEA sa lahat ng mga kawani ng kapitolyo na kung maaari ay mag-donate ng mga kagamitan gaya ng kitchenwares, beddings, mga damit, at iba pa na kapaki-pakinabang para sa mga ito.