PHOTO | SCREENSHOT/ CIO FB LIVE

Ni Clea Faye G. Cahayag

INATASAN ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na magdebelop ng isang city-wide early device warning system.

Ngayong umaga, nagsagawa ng oryentasyon ang CDRRMO hinggil rito sa lahat ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng hepe nito na si G. Earl Timbancaya.

Aniya, ang device na ito ay magbibigay ng babala upang maging alerto at maiwasan ang mga posibleng panganib sa panahon ng sakuna.

“Upon the instruction ng ating Punong Lungsod [Lucilo Bayron] and part na rin po ng mga lessons learned natin yung nakaraang bagyong Odette, naatasan po tayo na magdebelop ng city-wide early device warning system.

Ito po ang magbibigay ng babala sa ating mga kababayan sa mga panahon na walang kuryente, walang telepono at walang radyo,” ang pahayag ni Timbancaya matapos ang flag raising ceremony ng city government ngayon araw ng Lunes, Agosto 14.

Ayon sa opisyal, uunahin lagyan ng equipment ang gusaling panlungsod, mga mini city halls, at mga wharf tulad ng Sabang Wharf, Honda Bay Wharf at Baywalk.

Sunod naman na i-installan nito ang iba’t ibang mga barangay sa lungsod.

“Ang focus po ay for multi-hazard early warnings. Ngayon naman po dito sa ating city hall we will focus on evacuation. Mag-aalarm po ito ng isang uri ng tunog na magsasabi na ang lahat ng kawani ng city hall ay kailangan mag-evacuate into identified safe areas.

Our equipment will be operated by our civil security group. May karampatang trainings din po tayong ibibigay sa kanila,” aniya pa.

Sa ngayon ay finafinalize pa ng kanilang grupo ang mga “alarms” na gagamitin gayundin ang protocol sa paggamit nito. Lalagyan din anila ito ng Public Address System (PA System) para sa mga sitwasyon na kinakailangan ng verbal instruction.

Sinabi naman ni Mayor Bayron kay Timbancaya na dapat ang tunog na gagamitin ay aangkop sa isang partikular na sitwasyon. Hiniling rin nito ang pagsasagawa ng drill para dito.

“Earl, kailangan yung tunog meron nagkocorrespond kung anong emergency para may guidance ang mga kasama natin tapos pag nakaplastar na yan kailangan meron tayong drill. Di baleng mabawasan tayo ng ilang oras basta’t maging safe lang lahat ng mga tao dito sa city hall pati yung sinasabi mo na galing sa labas papasok dapat may ibang sound yun,” ang tinuran ng Alkalde.