PALAWAN, Philippines — IPINAGKALOOB na ng Pamahalaang Panlungsod ang cash gift na nagkakahalaga ng P100,000 sa mga lolo’t lola na may edad isandaang taong gulang pataas.
Sa mensahe ni Punong Lungsod Lucilo Bayron, siyam (9) na centenarians ang makakatanggap ng 100k cash gift bawat isa.
Aniya, ang pondong ito ay mula sa city government na personal na iginawad ng alkalde sa mga benepisyaryo ng programa.
“Sa ating mga centenarians, kanina tumanggap ng 100,000 ang bawat isa from the funds ng city [government],” pahayag ng alkalde.
Ang mga centenarians na nakatanggap ng cash gift ay sina Lola Martina Singane, Lola Lolita Velez ng barangay Sta. Lourdes, Lola Antonieta Española ng Bgy. Tagabinet, Lolo Jacobo Ricarte ng Bgy. Bahile, Lola Monica Tolentino ng Bgy. Model, Lola Apolinaria Sumandal ng Bgy. Maruyugon, Lola Sofia Celestial ng Bgy. Sicsican, Lolo Lino Lazo Sr. Bgy. Kamuning, at Lola Feliz Asutilla ng Bgy. San Jose.
Ang insentibong ito ay layuning makatulong sa pang araw-araw na gastusin ng mga nakatatanda partikular sa usaping pagkain at medikal.
Maliban dito, makakatanggap din ang mga nabanggit na indibidwal ng karagdagang P100,000 mula naman sa pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development, ito ay alinsunod sa Centenarian Act of 2016 o Republic Act 10868.